Pages

Sunday, October 13, 2013

Paanong tayo’y napadpad sa ilang?

Paanong tayo’y napadpad sa ilang?
Hinihip sa hangi’t hayo sa kawalan.
Nang sanlaksang punla ng isang maylalang
Sakop ang liwanag-taon bagkus maunawaan
Sumilip ang liwanag at bumutas ng langit
Kumulay ang oras sa balat ng espasyo
Namamaklang tubig dayuha’t pintasin
Hatid ang sustansya sa abang mga alipin.
‘lipas ng panaho’y umukit ang kasaysayan
Na ang mga punla ay halal sa pag-inam
Sumibol ang maliit na kotiledon sa tadyang
Lumaki’t humulma na tinawag na isang bayan.

Bayani ang bansag sa lahi ng alipin
Ngunit paglao’y maharlikang naging
Naglunsad ang hari ng kanyang mga piging
Sa bawat sulok ng arkipelagong angkin
At kinamkam ang kilala’t mga tagong lupain

Buhat umusbong sanlibong relihiyon
Dumatal kasama ang ‘sang milyong poon
Batid sa labi sa pilosopiyang tugon
Sa sanlaksang walang kasagutang tanong

Magmumula sa langit, sa ibabaw ng ulap
Propetang dakila’t may tangan na aklat
Sa ulo nakaputong ang katotohanan
Bigkas ang awitin ng mga pilosopo
Pisiko, kimiko, mekaniko, puta, at musikero
Politiko
Ililibing ang buhay at bubuhayin ang nakalibing
Sisiklab ng apoy sa dagat ng kamangmangan
Pipintahan ng dugo ang sining ng bawat
Sisilanging sanggol
Tuturuang magiliw ng agham

Ang propeta’y bulaan
Tangan ang kasagutan
Sa mga walang kasagutang tanong
Waksi sa katotohanan
Bigkas niyang magiliw
Sa tamis at pagkakakilanlan
ng lahi ng alipin
Ang lahi ng mga bayani,
Mga santo’t banal


Ang propeta’y bulaan…